-- Advertisements --

Inihayag ng Bureau of Internal Revenue na pabor itong mapataas o pabigatin ang ipinapataw na parusa laban sa mga ‘tax evaders’ sa bansa.

Ayon mismo kay Internal Revenue Commissioner Romeo D. Lumagui Jr, suportado aniya ito lalo pa’t ginagawa aniya ito ng ilang mga korporasyon.

Naniniwala siyang dapat pabigatin ang parusa upang maging maingat ang mga ‘tax payers’ at sumunod ito sa tamang proseso ng pagbabayad ng kaukulang buwis.

Kanyang inihayag ito kasunod ng paghahain ng mga reklamong ‘tax evasion’ kontra sa 23 korporasyon nasasangkot sa ilegal na gawain.

Kung saan inihain ng naturang kawanihan sa Department of Justice ang 23 tax evasion complaints laban sa mga korporasyon at mga inidbidwal sa likod ng umano’y hindi ligal na transaksyon ng buwis.

Base sa BIR, ang 23 korporasyon na kanilang inireklamo sa DOJ ay bumibili ng ‘ghost receipts’ para lamang matakasan ang obligasyon magbayad ng kaukulang buwis.

Umabot ito sa 1.41-bilyon Piso tax deficiency kaya’t pabor si BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na pabigatin ang parusa kontra sa mga ‘tax evaders’.