Walang balak ang Cebu Provincial Government na ihinto ang P20/kilo na bigas na programa ng pambansang pamahalaan para sa mahihirap at mga kapus-palad.
Sa isang press briefing, sinabi ni Cebu Governor Pamela Baricuatro na nakipag-ugnayan na siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang matiyak ang pagpapatuloy ng programa.
‘Yes, Mr. President, I will look into that and I will make sure it is implemented,’ ani Baricuatro.
Magsasagawa din ang Kapitolyo ng masusing pagrepaso sa kasalukuyang kasunduan sa pagitan ng probinsya at mga lokal na pamahalaan (LGU), lalo na tungkol sa paghahati ng subsidiya.
Ayon kay Assistant Provincial Administrator Aldwen Empaces, kailangang malinaw ang “co-share” ng probinsya at LGU upang hindi buong probinsya ang sumalo sa gastos ng programa.
Magpupulong ang Kapitolyo kasama ang lahat ng mayor sa Agosto upang plantsahin ang mga detalye bago pumasok sa anumang Memorandum of Agreement (MOA).
Matatandaan na ang P20/kilo na bigas ay bahagi ng Kadiwa ng Pangulo program, katuparan ng campaign promise ni Marcos Jr.
Habang noong Mayo unang inilunsad ito sa Cebu — isang linggo bago ang midterm elections.
Sa ilalim ng setup, ang bigas mula sa National Food Authority (NFA) ay ibinibenta sa Food Terminal Inc. (FTI), na siyang namamahagi sa mga LGU. Ang orihinal na presyo ng bigas na P26.50 kada kilo ay binabawasan ng P6.50 sa pamamagitan ng subsidyang pinaghahatian ng FTI at LGU, kaya’t naibebenta ito sa publiko sa halagang P20 kada kilo.