Naglagay pa ang Department of Transportation (DOTr) ng karagdagang cashless turnstile sa Ayala at Cubao stations ng MRT-3 upang mas mapadali ang pagbabayad ng pamasahe gamit ang mobile phones, debit, at credit cards.
Ayon sa DOTr, ang hakbang ay tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bawasan ang pila para sa beep cards at single journey tickets.
Sa ngayon, may tig-iisang cashless turnstile pa lamang sa bawat entrance at exit ng iba pang istasyon ng MRT-3. Nangako ang DOTr na maglalagay pa ng karagdagang cashless gates sa mga susunod na araw.
Magugunitang noong Hulyo 25, opisyal na inilunsad ang bagong cashless payment options sa MRT-3. Kasabay nito, inanunsyo rin ni DICT Secretary Henry Aguda ang pagkakaroon ng libreng Wi-Fi sa buong linya ng MRT-3.