-- Advertisements --

Hindi rin magdideklara ng tigil-putukan ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) laban sa pamahalaan ngayong holiday season.

Ito’y bilang tugon sa hindi padedeklara ng holiday ceasefire ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang pahayag, sinabi ng CPP-NPA na binalewa umano ni Duterte ang mga apela sa tigil-putukan at sa halip ay ipinag utos pa sa kanyang mga heneral na ipagpatuloy ang maigting na operasyon laban sa kanila kahit nasa gitna na tayo ng pandemya.

NPAS

Kasunod nito sinabi ng CPP, na nakaalerto ang pwersa ng New People’s Army (NPA) laban sa mga posibleng pag-atake ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa kabilang dako, naghahanda naman ang CPP para sa kanilang ika-52 anibersaryo sa December 26 at nakatakdang magdaos ng mga pagpupulong hinggil dito.

Samantala, una nang sinabi ng AFP na hindi naman ibig sabihin na ayaw nila ng holiday ceasefire ay ayaw na nila ng kapayapaan.

Sa katunayan aniya, ang gusto nila ay pangmatagalang kapayapaan na makakamit lang oras na maging totoo na ang CPP-NPA sa pagtupad ng kasunduan at mapagkakatiwalaan.

Base umano kasi sa kanilang karanasan, sinasamantala ng mga terorista ang holiday ceasefire at ginagamit ang pagkakataon para atakehin ang mga sundalo na nagsasagawa ng humanitarian at peace and development missions.

Maliban dito, tuloy pa rin kasi ang mga terorista sa pangingikil at paggawa ng krimen tulad ng pagpatay at panununog.