-- Advertisements --

NAGA CITY – Kinumpirma ng Archiodeces of Caceres at lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Naga na hindi na matutuloy ang kabuuang aktibidad para sa taunang Peñafrancia Festival.

Sa pagharap ni Archbishop Rolando Tria Tirona at Mayor Nelson Legacion sa mga kagawad ng media, wala na anilang mangyayaring Perdon, Harubay, Dawn, Traslacion at Fluvial Procession ngayong taon.

Maliban dito, gagawing home-based at parish-based na lamang ang mga novena masses at ilang religious practices habang mahigpit ding ipagbabawal din ang paghalik at paghawak sa imahe.

Samantala, maging ang Civic at Military Parade, gayundin ang Voyadores Festival, Trade Fairs, exhibits, competitions, concerts, Miss Bicolandia at iba pang mass gatherings, ay sinuspinde na ngayong taon.

Ayon kay Archbishop Tirona, makabuluhan ang nasabing mga religious activities pero mahalaga rin ang kasulugan ng mamamayan lalo na ngayong may banta pa rin ng COVID-19.

Nabatid na taon-taon, milyon-milyong deboto mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang bumubuhos sa lungsod para makibahagi sa Peñafrancia Festival.

Ngayon taon, nakatakdang ipagdiwang ang 138th Year of Devotion ng Divino Rostro, habang 310th Year Devotion naman ni Nuestra Senora de Peñafrancia.