-- Advertisements --

Ginisa ni Senador Rodante Marcoleta ang Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa umano’y kakulangan ng koordinasyon sa Riverbasin Control Office, isang ahensya ng gobyerno na may mandato na pag-isahin at i-integrate ang mga flood control projects sa bansa.

Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa maanomalyang flood control projects, nabahala si Marcoleta dahil tila hindi kasama  ang Riverbasin Control Office sa kabuuang proseso ng paggawa ng flood control projects ng gobyerno.

Giit nito, kahit na banggitin ng ahensya ang 100 river basin, wala itong silbi  hangga’t hindi ito integrated sa isa’t isa. 

Dagdag pa niya, ang Riverbasin Control Office ay may mandato na i-integrate at i-harmonize ang iba’t ibang programa at resources ng gobyerno para sa ligtas at malinis na suplay ng tubig at epektibong pamamahala ng flood control sa buong bansa.

Umamin naman si DPWH Secretary Manuel Bonoan na wala ngang koordinasyon sa pagitan ng DPWH at ng Riverbasin Control Office. Isa aniya itong hamon sa ahensya na kailangan nilang harapin. 

Lalong sumama ang loob ng senador, na binigyang-diin na sa ganitong setup, walang mangyayari sa programa ng gobyerno kung walang koordinasyon para sa flood control.

Para kay Marcoleta, tila ito ang missing link sa kabuuang equation.