-- Advertisements --

Tiniyak ni Development and Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan na nananatiling matatag at mabilis ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa kabila ng mga hamong pandaigdigang hamon.

Sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Kamara, inihayag ni Balisacan na sa loob ng nakalipas na labinlimang taon, nakakapagtala ang Pilipinas ng 6 to 7 percent GDP, maliban na lang noong 2020 na bumaba dahil sa COVID-19 pandemic.

Nitong unang quarter ng 2025 nakamit ang 5.4 percent na growth rate na isa  sa mga pinakamabilis na pag-lago sa Asya.

Ayon kay Balisacan, umabot sa 5.5% ang paglago ng GDP noong 2023 at 5.7% noong 2024, habang bumaba ang unemployment rate mula 6% noong 2022 tungo sa 4.2% ngayong 2025. Katumbas nito, mahigit 4.1 milyong trabaho ang nalikha mula noong 2022.

Tumaas ang bilang ng mga wage ant salary workers habang bumuti rin ang underemployment, na indikasyon ng mas maayos na kalidad ng mga hanapbuhay.

Bunsod naman nito ay napukaw din ang atensyon ng  foreign investors.

Katunayan mula Enero hanggang May 2025 umabot ang net Foreign Direct Investment ng bansa sa 3 billion US dollars.

Sinabi ni Balisacan, patunay ito na ang paglago ng ekonomiya ay hindi lamang nakikita sa mga numero kundi ramdam mismo ng mga manggagawa at pamilyang Pilipino.

Bumaba rin aniya ang poverty incidence sa 15.5% noong 2023 mula sa 18.1% noong 2021 o katumbas ng 2.4 milyong Pilipino mula sa kahirapan. 

Ngunit nananatili pa rin aniya ang kanilang mithiin na maibaba ng poverty incidence sa single digit.