Bumaba na ang bilang ng mga PNP personnel na naka quarantine ngayon sa siyam na isolation at treatment facilities sa loob ng Camp Crame.
Ito’y matapos makapagtala ang PNP Health Service ng mataas na bilang ng recoveries nitong mga nagdaang araw.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration (TDCA) at ASCOTF Commander PLt. Gen. Joselito Vera Cruz, sa ngayon, as of January 19,2022 nasa 131 o 23.39% na lamang ang bed occupancy rate sa kanilang mga facilities.
Ang Camp Crame ay mayruong siyam na quarantine, isolation at treatment facilities na mayruong 560 bed capacity.
Nuong nakaraang Linggo sumirit sa 102% ang bed occupancy rate sa Camp Crame.
Una ng sinabi ni Lt.Gen. Vera Cruz dahil sa halos 100% na sa kanilang mga personnel ang bakunado at mga asymptomatic kaya mabilis ang mga ito gumaling.
Malaking tulong din ang pinaikling quarantine period para duon sa mga pasyenteng walang nararanasang sintomas ng Covid-19.
Samantala, sa kabila ng striktong implementasyon ng “no vaccine, no ride, no travel’ policy para duon sa mga hindi bakunadong indibidwal, sa panig ng Philippine National Police (PNP) mayruon na rin silang guidelines para sa mga personnel na hindi pa bakunado laban sa Covid-19.
Ayon kay Lt.Gen. Vera Cruz, kanilang ire-required ang kanilang mga unvaccinated personnel na sumailalim sa RT-PCR at antigen at dapat sila ang magbabayad sa kanilang test.
” They are required to be RTPCR tested every 14 days at their own expense and daily antigen test if possible. We will just review this policy in the light of this new development,” mensahe ni PLt.Gen. Vera Cruz sa Bombo Radyo.
Kaya patuloy pa rin ang PNP na hinihikayat ang kanilang mga tauhan na magpa bakuna na binibigay ng PNP at mga LGU.
Sa kabilang dako, ayon kay PNP Spokesperson Police B/Gen. Roderick Augustus Alba, ang mga unvaccinated Police personnel ay hindi bibigyan ng frontline duty at bibigyan sila ng mga administrative work para hindi makapanghawa ng sakit.