-- Advertisements --

Buong pagkakaisa ang ipinapahayag ng League of Cities of the Philippines (LCP) sa kanilang suporta kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. kaugnay ng kanyang direktiba na ang lahat ng proyektong pinondohan ng pambansang pamahalaan ay nararapat na dumaan muna sa mga local government unit (LGUs) bago tuluyang isakatuparan.

Ayon kay LCP President at kasalukuyang Mayor ng San Juan City, Francis Zamora, ang nasabing pahayag ng Pangulo ay isang malinaw na pagpapakita ng kanyang tiwala at kumpiyansa sa kakayahan at kapasidad ng mga lokal na pamahalaan na pangasiwaan ang mga proyekto sa kanilang mga nasasakupan.

Dagdag pa niya, ito ay isang mahalagang hakbang upang masiguro ang tagumpay ng mga proyekto.

Lubos na naniniwala ang LCP na sa pamamagitan ng ganitong pamamaraan, mas magiging epektibo at episyente ang pagpapatupad ng iba’t ibang proyekto sa kani-kanilang mga lokalidad, at mas mapaghuhusay pa ang kalidad ng mga ito.

Ang direktang pakikipag-ugnayan sa mga LGU ay magbibigay daan sa mas mabilis na pagtugon sa mga pangangailangan ng bawat komunidad.

Pagtitiyak pa ng Liga ng mga Lungsod sa buong bansa sa lahat ng ahensya ng national government, na sila ay makikipagtulungan nang malapit at aktibo sa pagbabantay at pagsubaybay sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno.

Sisiguraduhin nilang ang bawat proyekto ay maisasakatuparan nang naaayon sa plano at alituntunin.

Ang pagtutulungan na ito ay hindi lamang para matiyak ang responsableng paggamit ng pondo ng bayan at maiwasan ang anumang uri ng korapsyon, kung hindi pati na rin para palakasin at pagtibayin ang tiwala at kumpiyansa ng taumbayan sa pamahalaan at sa mga proyekto nito.