Hindi pa umano nakapagpasya ang Golden State Warriors ukol sa status ni big man DeMarcus Cousins.

Ito’y kahit napaulat na bumabalik na sa dati ang kondisyon ni Cousins makaraang magtamo ito ng quadriceps injury sa unang round ng playoffs kontra sa Los Angeles Clippers.

Katunayan ay sumali na rin ito sa practice ng defending champions nitong Huwebes sa Toronto.

Sinabi ni Warriors coach Steve Kerr, bagama’t hindi na nakakaramdam ng pananakit si Cousins sa kanyang injury, hindi pa rin umano tiyak ang kanyang status para sa kanilang title series opener kontra sa Toronto Raptors.

“This is not the regular season. This is The Finals. So we have to figure out what’s the best way to utilize him,” ani Kerr.

Sa panig naman ni Cousins, ipinapaubaya na lamang niya sa team ang desisyon kung paglalaruin na ito sa finals.

“It’s never really up to me. We’ll put our heads together and come up with the best plan moving forward,” wika ni Cousins.