-- Advertisements --

Nagkasa ng sorpresang inspeksiyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang custodial facility sa New Bilibid Prison (NBP) kasunod ng umano’y napaulat na special treatment sa ilang high-profile inmates.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, isinagawa ang inspeksiyon matapos lumutang ang mga ulat na nakakatanggap umano ng VIP treatment ang dating mambabatas na si Arnie Teves.

Subalit, iginiit naman ng NBI chief na walang sinuman ang nakakatanggap ng special treatment kabilang na si Teves, na inilipat sa Manila City jail.

Ito ang tiniyak ni Dir. Santiago matapos niyang personal mismo na makausap ang mga preso na nag-kumpirmang pantay ang trato sa lahat ng mga preso.

Bilang patunay, sinabi ng NBI chief na kung ano ang pagkain ng isang preso ay ganoon din ang kinakain ng iba.

Saad pa ni Santiago na binilinan lamang niya ang detention officers na siguraduhin ang kaligtasan ni Teves na hindi ito mapatay dahil dudumugin aniya sila ng taumbayan kung mangyari ito.

Nakatakdang basahan ng sakdal ang dating mambabatas sa araw ng Lunes, Hunyo 30 para sa kasong may kinalaman sa firearms and explosives na nasamsam umano mula sa ikinasang raid sa kaniyang property noong nakalipas na taon.