-- Advertisements --

Itiniwalag na bilang miyembro ng National Unity Party (NUP) si House Deputy Speaker at Cebu 5th district Cong. Duke Frasco matapos tumangging lumagda sa manifesto na sumusuporta sa pananatili ni Leyte 1st district Cong. Martin Romualdez bilang House Speaker.

Sa isang statement, ipinaliwanag ni NUP president at Camarines Sur 2nd District Representative LRay Villafuerte na ang “unilateral decision” ng mambabatas ay isang hayagang paglabag sa opisyal na posisyon ng partido para suportahan si Romualdez na manatili sa kaniyang posisyon bilang lider ng Kamara sa susunod na 20th Congress.

Giit pa ni Villafuerte na dapat na tinalakay muna ni Frasco ang kaniyang taliwas na posisyon sa liderato ng NUP sa halip na lumabas sa publiko at labagin ang unanimous decision ng partido.

Sa hiwalay naman na pahayag, nilinaw ni House spokesperson Princess Abante na sa Mababang Kapulungan, malinaw ang prinsipyo nito kung saan ang suporta ay hindi aniya ipinipilit bagkus ay kusang-loob na desisyon ng bawat kinatawan at ito aniya ay iginagalang ng liderato ng Kamara.

Noong nakalipas na Sabado, inihayag ng House official na nasa 285 na miyembro na ng papasok na 20th Congress ang nagpahayag ng kanilang suporta para kay Romualdez.

Kung matatandaan, isa ang NUP sa political party na nakipag-alyansa sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ka-alyansa din Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) kung saan si Romualdez ang tumatayong presidente ng partido.