-- Advertisements --

Sinuspinde pansamantala ng Commission on Appointments (CA) ang hearing ng dalawang bagong commissioner ng COMELEC na sina Commissioner Ma. Norina Tangaro-Casingal at Commissioner Noli Pipo dahil sa kakulangan ng oras.

Inihain ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte ang mosyon upang isuspinde ang pagdinig, na sinuportahan naman ni Senador Risa Hontiveros.

Ayon kay Senador Cynthia Villar, ang chairperson ng komite, magpapatuloy ang hearing ng dalawang bagong commissioner sa Hunyo 10 sa ganap ng 11 ng umaga.

Humarap si Casingal sa Commission on Appointments (CA) sa gitna ng ilang pagtutol sa kumpirmasyon ng kanya at ni Pipo bilang mga commissioner ng COMELEC, kabilang ang isang reklamo na isinampa ni Ronald Cardema, chairman ng Duterte Youth, sa tanggapan ni Senate President Francis Escudero.

Sa pagdinig, muling iginiit ni Cardema ang matinding pagtutol ng kanilang party-list sa kumpirmasyon ng dalawang komisyoner, na kanyang inakusahan ng pagiging di patas dahil sa pagpayag na ipagpaliban ang proklamasyon ng Duterte Youth habang may nakabinbing kaso.

Noong Pebrero, itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Casingal bilang bagong Commissioner ng poll body, kapalit ni dating komisyoner Socorro Inting na nagretiro matapos ang kanyang pitong taong termino.

Si Tangaro-Casingal ay naging direktor ng Comelec Law Department mula noong 2016. Isa siyang election lawyer na nagsilbi sa Comelec sa loob ng 27 taon.

Samantala si Pipo naman ang pumalit kay dating Commissioner Marlon Casquejo. Nagsilbi si Pipo sa Comelec sa loob ng 32 taon, nagsimula bilang election officer sa Bangued, Abra noong 1993, at naging regional election director mula 2006.