-- Advertisements --

Kumpiskado ang 23-milyong piso halaga ng iba’t ibang klasi ng ilegal na droga na natagpuan ng National Bureau of Investigation sa lungsod ng Davao, bahagi ng Mindanao.

Kung saan ibinahagi mismo ng kawanihan sa Bombo Radyo Philippines ang kanilang matagumpay na pagkakahuli sa mga ito matapos ang ikinasang operasyon.

Ayon sa ibinahaging ulat ni Director Jaime B. Santiago, bistado ng kanilang NBI Southeastern Mindanao Regional Office (NBI SEMRO XI) ang isang residential unit kung saan sinasabing lugar ng repacking at distribution hub ng illegal drugs sa lugar ng Cabantian, Davao City.

Ang operasyong isingawa ay base raw sa isang ‘firsthand report’ ng kanilang informant na siyang dumulog sa kawanihan para humingi ng tulong.

Nakumpiska rito ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation ang malaking ‘volume ng narcotics’ at ilan pang drug paraphernalia.

Kumpiskado ang nasa 4.885 kilo ng Kush na isang uri ng high grade marijuana na may estimated street value na P5.8 milyon piso.

Kasama rin ang nagkakahalaga ng higit 17-milyon piso na 1.575 kilo ng shabu sa nakumpiska ng mga operatiba.

Habang kabilang sa kanilang mga natagpuan ng mga kagamitan ng suspek ay ang gamit sa pag-conceal ng drug distribution, heat sealers, at repacking tools.

Kasama rin ang ilan pang mga imported na cannabis-based products na siyang ipinagbabawal at hindi pinahihintulutan na mabili at ibenta sa loob ng bansa.

Kaya’t bunsod ng matagumpay na operasyon ng kawanihan, kanilang kinilala ang pamumuno ng kasalukuyang direktor ng National Bureau of Investigation na si Ret. Judge Jaime B. Santiago.

Anila’y tuloy-tuloy lamang ang kanilang pagsasagawa ng mga ganitong operasyon upang sugpuin at labanan ang mga ilegal na aktibidad sa loob ng bansa.