Mariing itinanggi ni Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang pagkalat ng umano’y ipinadalang ‘white paper’ sa Office of the President.
Kung saan, pinabulaan nito ang mga alegasyon na kanya raw kinasasangkutan na mula aniya sa mga ayaw magpakilalang mga empleyado nito.
Kaya’t ayon pa kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, ang kumakalat ngayong dokumento ay pawang walang katotohanan at maituturing pang malisyoso.
Giit niya’y ito ay ‘orchestrated’ at pinondohan ang kampanya para maglikha ng ingay at gawan ng negatibong imahe ang naturang kawanihan.
Ngunit gayunpaman ay tiniyak ng naturang commissioner na sila’y makikipagtulungan at inihayag ang buong suporta sakali mang umandar ang imbestigasyon mula sa pamahalaan.
Sa kabila nito’y sinabi din niya na kanila ng natukoy ang mga nasa likod ng ganitong uri ng kampanyang paninira lalo na laban sa kanya.
Suspetya niya na ito’y may kaugnayan sa kanilang ipinatutupad o implementasyon ng ‘one-strike policy’ na siyang nakaapekto umano sa partido ng mga naninira.
Dahil dito’y mariin pang iginiit ni Immigration Commissioner Viado na kanila pa ring ipagpapatuloy ang mandato nitong makapaglingkod sa pamamagitan ng kanyang ahensyang pinamumunuan.
Idinagdag din niya niya dapat lamang mailanatad ang katotohanan sapagkat ang katotohanan lamang raw ang sa huli’y magwawagi.