-- Advertisements --

Nanawagan si dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez sa pamamagitan ng kanyang mga abogado sa Bureau of Immigration (BI) na magsagawa ng agarang imbestigasyon matapos umanong maglabas ang ahensya ng maling impormasyon na nag-uugnay sa kanya sa planong pag-alis ng bansa.

Sa liham na ipinadala kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, iginiit ng kampo ni Romualdez na walang katotohanan ang mga ulat na nagsasabing tinangka niyang umalis ng Pilipinas upang takasan ang mga kasong kinahaharap.

Kinokontra ng dating House Speaker ang umano’y pagpapakalat ng BI ng hindi beripikado at mapanirang impormasyon na kalaunan ay naging batayan ng mga pahayagan kaugnay ng kasong isinampa laban sa kanya sa Sandiganbayan.

“These reports are patently false, misleading, and gravely prejudicial to Rep. Romualdez and the proceedings pending before the Sandiganbayan in People v. Romualdez, Case No. E-SB-26-PHDO-0002,” pahayag ng kampo ni Romualdez.

Binigyang-diin pa ng kampo ni kongresista na ang usapin tungkol sa kanyang travel restrictions ay nakabinbin pa sa hukuman at hindi dapat maging paksa ng mga haka-haka, lalo na kung batay lamang umano sa hindi beripikadong impormasyon ang pahayag.

Iginiit din ng kanyang mga abogado na ang mga pahayag na iniuugnay sa BI ay nagbigay ng maling impresyon sa publiko na sinusubukan niyang tumakas upang makaiwas sa hurisdiksyon ng Sandiganbayan, bagay na anila’y walang batayan at labag sa kanyang karapatan.

”This is a grave accusation with no basis in fact, and it directly undermines Rep. Romualdez’s constitutional right to be presumed innocent until proven guilty,” dagdag pa ng kampo ng kongresista.

Ayon pa sa kampo ni Romualdez, ang naturang mga pahayag ay nagdulot ng seryoso at patuloy na pinsala sa kanyang reputasyon at maaaring makaapekto sa patas na pagdinig ng kanyang kaso.

Giit pa ng abogado ni Romualdez hindi kailanman nagtangkang iwasan ng mambabatas ang anumang kautusan ng hukuman. Anila, patuloy nitong iginagalang ang mga institusyon ng pamahalaan at haharapin ang lahat ng legal na proseso para sa kanyang kaso.