Inihayag ng Bureau of Immigration na wala pa silang naitatalang bagong rekord nagsasabing nakalabas na ng bansa si Sen. Bato Dela Rosa.
Sa pagtatanong ng Bombo Radyo, ibinahagi ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval na sa kasalukuyan ay walang bagong ‘travel records’ ang na-monitor ng kawanihan.
Kasunod ang pahayag nang mapaulat nakaalis na mula sa Senado, si Senador Dela Rosa kaninang pasado alas-dos ng madaling araw.
Habang nilinaw naman ng tagapagsalita na hindi saklaw ng kawanihan ang patungkol sa usapin ‘domestic flights’ partikular kung ang mambabatas ay nakalipad tungo sa ibang lugar o lalawigan.
Si Senador Dela Rosa, ay kasalukuyang nahaharap sa kasong ‘Crimes Against Humanity’ sa International Criminal Court dahil sa ‘war on drugs’ ng nakaraang administrasyon.
Mayroon na rin inisyung ‘arrest warrant’ ang International Tribunal laban sa kanya ngunit sa kasalukuyan ay hindi pa matagumpay naisisilbi dahil na rin sa nakabinbin pang petisyon sa Korte Suprema.
















