Walang papel si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel.
Ito ay dahil walang pinagkaiba ang pangulo kay VP Sara kung saan ito ay maaari ring mapatalsik sa pwesto salig sa ating Konstitusyon.
Ayon kay Pimentel, hindi na mahalaga ang posisyon pa ni Pangulong Marcos sa pinapaikot na draft Senate Resolution upang ibasura ang paglilitis laban sa bise presidente ng bansa.
Nanindigan naman si Pimentel na malaking pagkakamali ang pagpapabasura sa impeachment case laban kay Duterte.
Batay aniya sa Saligang Batas inaatasan ang Senado na dapat forthwith o agad-agad isagawa ang paglilitis sa isang impeacheable official.
Wala aniyang kawala ang Senado kundi magdaos ng impeachment trial laban kay VP Sara.
Kaya naman naniniwala si Pimentel na maaaring tumawid mula 19th Congress patungong 20th Congress ang impeachment proceedings laban sa pangalawang pangulo.