Naniniwala si House Prosecutor member Rep. Rodge Gutierrez na Hindi posible ang inilatag na “timeline” o kalendaryo ni Sen. Francis Tolentino, kaugnay ng impeachment trial laban kay Vice Pres. Sara Duterte.
Ayon kay Gutierrez mula nang inilabas ni Tolentino ang kanyang kalendaryo ay hindi pa nag-uusap ang House Prosecution Panel.
Pero sa kanyang tingin, hindi posibleng ma-consolidate sa dalawang Articles lamang ang kaso, dahil mistulang pagtataksil ito sa buong Articles of Impeachment.
Hindi rin aniya sapat ang naturang timeline para sa 7 Articles of Impeachment laban sa bise presidente.
Batay kasi sa schedule ni Tolentino, lumalabas na dalawang araw lang ang presentasyon ng mga ebidensya.
Diin naman ni Gutierrez, uubrang tumawid sa 20th Congress ang paglilitis, batay na rin sa nasasaad sa Konstitusyon.
Tiniyak naman ni Gutierrez na tuloy-tuloy ang paghahanda ng House Prosecution Panel.
Samantala, binigyang diin ni Akbayan Partylist Rep. Percy Cendana na dapat magkaroon ng fair day in court ang impeachment case laban kay VP Sara.
Pahayag ito ni Cendana kasunod ng paglabas ni Sen. Francis Tolentino ng timeline.
Giit ni Cendana hindi dapat madaliin ang proseso.
Binigyang-diin ng Kongresista na malinaw ang kanilang panawagan na dapat masimulan na ang tamang proseso kailangan mabasa ang lahat ng articles of impeachment at maipakita ang mga ebidensiya.