Patuloy na magdadala ng malalakas na pag-ulan ang Low Preasure Area (LPA) na nasa silangang bahagi ng Quezon, at Southwest Moonsoon o Habagat, ngayong Linggo sa ilang bahagi ng bansa.
Ito ang kinumpirma ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) kung saan ang Bicol Region, Central at Eastern Visayas, Aurora, at Quezon ay makakaranas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa nararanasang LPA.
Posibleng magdulot ito ng flash floods o landslide dahil sa katamtaman hanggang sa malalakas na buhos ng ulan ayon state weather bureau.
Batay sa weather forecast 50 hanggang 100 mm ng ulan ang inaasahang babagsak ngayong araw sa mga lalawigan ng Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, at Masbate.
Magiging maulap rin ang kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa Metro Manila, MIMAROPA, nalalabing bahagi ng Visayas at Central Luzon, CALABARZON, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Caraga. Nakaamba rin ang panganib ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Samantala kabilang din sa mga lugar na maaring makaranas ng 50 hanggang 100 mm ng ulan ay ang Metro Manila, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Rizal, Laguna, Occidental Mindoro, Palawan, Antique, Iloilo, Guimaras, at Negros Occidental.
Habang ang natitirang bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na paapwirin na may mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog, na maaari ring magdulot ng flash floods o landslide sa matitinding buhos ng ulan.