Kabilang ang isang Pinoy sa mga inarestong imigrante sa ikinasang raid ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) noong nakalipas na linggo na nagbunsod ng mga kilos protesta sa Los Angeles, California.
Natukoy ang naarestong Pinoy na si Rolando Veneracion-Enriquez, 55 anyos. Isa siya anim na nakakulong na imigrante na natukoy ng Homeland Security Department.
Ayon sa kagawaran, mayroon umanong criminal history si Enriquez kabilang na ang pagkaka-convict niya sa kasong theft, assault, burglary at rape.
Ang iba pang kasama ng Pinoy na inaresto ay mula sa Peru, Indonesia, Honduras, Mexico at Vietnam.
Nahaharap naman ang Los Angeles sa ikatlong sunod na araw ng tensiyonadong mga protesta kasunod ng mga ikinasang raids ng Immigration and Customs Enforcement noong Linggo kung saan ipinakalat na rin sa mga protest site ang mga tropa ng National Guard.
Ang ikinasang raids naman ng US authorities ay parte pa rin ng mass deportation initiative ni President Donald Trump laban sa mga iligal na imigrante sa kanilang bansa.