-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nalalapit na deportasyon ng Pilipinong detainee na si Greggy Valerio Sorio mula sa Estados Unidos, matapos maglabas ng final removal order ang U.S. immigration authorities.

Ayon sa ulat ng Philippine Consulate General sa San Francisco, nakadetine si Sorio sa Northwest Immigration and Customs Enforcement (ICE) Detention Center.

Kahit nabigyan siya ng legal assistance mula sa Legal Assistance Fund ng DFA, pinagtibay pa rin ng U.S. Immigration Court ang deportation order, at tinanggihan ng ICE ang kanyang hiling na manatili sa Amerika.

Bago ang deportasyon, minonitor ng konsulada ang kalusugan ni Sorio at humiling ng humanitarian consideration para maantala ang deportation ngunit ayon sa DFA, idineklara na siyang medically cleared.

Sinabi ng DFA na iginagalang nito ang desisyon ng Estados Unidos bilang isang sovereign right, ngunit tiniyak ang pagbibigay ng tulong kay Sorio pagdating niya dito sa Pilipinas.

Iginiit din ng DFA na patuloy nitong poprotektahan at susuportahan ang mga Pilipino sa ibang bansa habang iginagalang ang mga batas ng host governments