Nagpahayag ng matinding pagtutol ang American singer na si Sabrina Carpenter matapos gamitin ng White House ang kanyang kanta sa isang video sa internet na nagpapakita ng mga taohan Immigration and Customs Enforcement (ICE) habang inaaresto ang ilang indibidwal.
Ang naturang video, na ipinost nitong Lunes, ay gumamit ng hit song ni Carpenter noong 2024 na “Juno”. Makikita rito ang mga federal immigration officers na naghahabol at hinihuli ang mga imigrante. May caption pa itong “have you ever tried this one? Bye-Bye” na siyang lyrics ng kanta ni Carpenter.
Hindi ito nagustuhan ng 25-year-old pop star kung saan sa isang pahayag nito sa internet sinabi ng singer na huwag umanong gamitin ng White House ang kanyang kanta sa hindi makataong aktbidad na ginagawa ng administrasyon. tinawag pa nitong demonyo at masagwa ang naturang video.
Samantala, kaagad naman na tumugon sa pahayag ni Carpenter ang White House, ayon kay Abigail Jackson na tagapagsalita ng Trump administration, hindi hihingi ng tawad ang White House sa pag-deport sa mga kriminal, ilegal na imigrante, rapist at pedophiles.
Sa ngayon ay kabilang na si Carpenter sa mga singer na tumututol sa paggamit ng White House ng kanilang mga kanta sa mga political event at post sa internet. Ilan sa mga ito ay si Neil Young, the Rolling Stones, at pati na rin ang mga personalidad at lider gaya ni Pope Leo XIV, na nagpahayag ng pag-aalala sa paraan ng pagpapatupad ng immigration policies ng administrasyon.
















