-- Advertisements --

Nakatakdang ilabas ang reports mula sa apat na House special committees na nag-iimbestiga sa extrajudicial killings ng nakalipas na administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at kwestyonableng P612.5 million intelligence fund ni Vice President Sara Duterte bago mag-adjourn ang Kongreso sa susunod na linggo.

Ngayong araw, ipagpapatuloy ng committee on good government and public accountability na pinamumunuan ni Manila 3rd district Rep. Joel Chua ang pagdinig habang ang tri-committee naman na pinamumunuan ni outgoing Laguna Rep. Dan Fernandez ay isasagawa ang kanilang sariling pagdinig bukas, Hunyo 5.

Ang pagdinig naman ng quad committee na pinangangasiwaan ni outgoing Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers ay nakatakdang isagawa sa Hunyo 9 habang ang quinta committee na pinangungunahan ni outgoing Albay 2nd district Rep. Joey Salceda ay sa Hunyo 11.

Una rito, inilunsad ng Quad Committee ang muling imbestigasyon ng umano’y libu-libong extrajudicial killings sa bansa dahil sa ikinasang madugong kampaniya kontra iligal na droga ng nakalipas na administrasyon.

Habang naungkat naman ang kontrobersiyang bumabalot sa confidential funds ni VP Sara matapos lumitaw sa mga acknowledgment receipt ang tila mga gawa-gawa lamang na mga pangalan ng mga artista, grocery items, at hawig sa apelyido ng ilang Senador para i-justify ang pinaggamitan ng naturang pondo.

Nauna ng inakusahan si VP Sara ng misappropriation ng P612.5 million sa confidential funds na inilaan para sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na dati niyang pinamunuan noong 2022 at 2023.

Ang mga iregularidad sa paggastos ng intel funds ang isa sa mga naging basehan ng House of Representatives para i-impeach si VP Sara noong Pebrero 5.