Isang draft resolution na layong ibasura ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ang kasalukuyang umiikot sa Senado, ayon kay Senator-elect Panfilo “Ping” Lacson.
Bagamat walang petsa, numero, o author, sinabi ni Lacson na layunin nitong ituring na “de facto dismissed” ang reklamo dahil lampas 100 araw na mula nang dalhin sa Senado ang Articles of Impeachment nang walang naging aksyon. Nakatakdang mag-adjourn ang 19th Congress sa Hunyo 14.
Ayon sa draft, bawal umano i-carry over sa susunod na Kongreso ang impeachment trial — bagay na kinuwestyon na rin nina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at Sen. Francis Tolentino. Para sa kanila, “separate worlds” ang 19th at 20th Congress.
Tinawag naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang draft na may “flawed logic” at “mali” ang pagbanggit sa probisyon ng Saligang Batas.
Samantala, sinabi ni Sen. JV Ejercito na hindi pa niya nakikita ang dokumento, pero iginiit niyang tungkulin ng Senado ang ituloy ang paglilitis. Kahit aniya hindi ito pabor, kailangan paring gampanan.
Kinumpirma rin ni Sen. Imee Marcos ang pag-ikot ng draft at sinabing may ilang bersyon pa nito at lahat ay naghahanap ng solusyon na legal at walang butas.