Muling nagsagawa ng pagdinig ang House Tri-Committee kung saan tinalakay ang isyu ng fake news at disinformation.
Ito na ang ikalimang pagdinig ng Tricom.
Sa kanyang opening statement, binigyang-diin ni Sta. Rosa City Representative Dan Fernandez na sa mga nakalipas na pagdinig ay nangibabaw ang usapin ng konsepto ng panghihimasok ng dayuhan.
Ipinakita aniya ang tahimik ngunit mapanganib na uri ng pananakop partikular ang disinformation at false narrative na pumapanig sa China ukol sa isyu ng West Philippine Sea at Palawan.
Binigyang-diin ni Fernandez, imbes na armas at bala ay ginagamit ang maling impormasyon upang linlangin ang mga Pilipino, baluktutin ang kasaysayan at siraan ang lehitimong karapatan saa ating sariling karagatan.
Bukod dito, lumabas rin umano sa mga pagdinig na may mga Pilipinong vlogger at social media influencer na nagsisilbi umanong tagapagsalita ng pro-China propaganda at ginagamit ang plataporma upang ipakalat ang mga naratibo na pabor sa China.
Siniguro ni Fernandez na maglalabas ng committee report ang Tri-Comm na nagsasaad ng mga konkretong rekomendasyon upang labanan ang banta ng disinformation na nakakaapekto sa demokratikong proseso at pambansang seguridad.
Isa si DICT Secretary Henry Aguda ang resource speakers ng pagdinig kung saan kaniyang binigyang-diin ang mga panganib na dulot ng maling impormasyon bukod sa politika at pambansang seguridad.
Inihalimbawa niya ang mga nabibiktima ng text scams na napapangakuan ng malaking kita.
” Marami pong mga Pilipino lalo na ang mga naghahanap ng dagdag kita ang nahuhulog sa mga pekeng promo. Nawawalan sila ng pera minsan nawawalan ng data at masakit diyan nawawalan na sila ng tiwala sa financial system,” wika ni Sec. Aguda.
Dagdag pa ni Aguda, pormal nang sumulat ang META sa kanila hinggil sa ipatutupad na mekanismo na layong bawasan ang pagkalat ng fake news online sa tulong din ng impormasyon o tip na ibinibigay ng kung ano mang duly-authorized government agency.