Pormal nang inalis ng Philippine Army bilang bahagi ng kanilang reserve force si Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga bunsod ng mga kamakailan na aksyon nito habang suot ang kaniyang military uniform.
Sa naging pahayag ni Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala, inalis bilang reservist si Barzaga matapos ang naging mga pahayag nito sa kaniyang social media accounts na nanghihimok sa publiko at maging iba pang uniformed personnel na kumilos kontra sa pamahalaan o sa pamamahala ng kasalukuyang administrasyon.
Ani Dema-ala, ang mga ganitong klase ng mga pahayag ay posibleng maglagay sa posisyon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas bilang non-partisan organization sa alanganin.
Ang mga pahayag din aniya na ito ay nagpapahiwatig ng sedition na siyang malinaw na paglabag sa AFP SOP no.7 habang epektibo naman ang order na ito simula pa nitong Setymebre 21 ng kasalukuyang taon.
Samantala, nanindigan naman ang Philippine Army at mismong Armed Forces of the Philippines (AFP) na nananatiling non-partisan at hindi kailanman makikilahok sa usaping politika ang kanilang hanay at mnanatili silang tapat sa kanilang uniporme at konstitusyon.