-- Advertisements --

Inalis sa puwesto ang commander ng PNP Drug Enforcement Group-Special Operations Unit (SOU) sa CALABARZON matapos masangkot ang 14 niyang tauhan sa kasong rape at robbery sa Bacoor, Cavite.

Kinumpirma ni PNP spokesperson PBGen Randulf Tuaño na sibak ang police colonel dahil sa command responsibility.

Kasama ring inalis sa puwesto ang walong naarestong pulis kabilang ang kanilang team leader na isang police lieutenant, gayundin ang anim pang kasamahan na kasalukuyang pinaghahanap.

Inireklamo ang grupo ng panloloob sa bahay at panghahalay sa isang Grade 9 student noong Nobyembre 22.

Ayon sa ulat, ang biktima ay isang 18-anyos na estudyante na online seller na nakaranas ng pang-aabuso mula sa mga suspek.

Nahaharap ang mga pulis sa kasong rape at robbery in band na isinampa ng pamilya ng biktima.

Iginiit ng PNP na patuloy ang imbestigasyon at pananagutin ang lahat ng sangkot upang maibalik ang tiwala ng publiko sa kapulisan.