Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) na magpapatuloy ang kanilang paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) kahit ipinagpaliban ito mula unang araw ng Disyembre ng kasalukuyang taon patungong Nobyembre 2, taong 2026.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, hindi maaantala ang operasyon ng poll body kahit nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na nagpapalawig sa termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan mula tatlo tungo sa apat na taon.
Ani Garcia, patuloy ang preparasyon tulad ng sa Bangsamoro Parliamentary Elections sa Oktubre 13, 2025, dahil posible pa itong kuwestiyunin sa Korte Suprema.
Kasama sa mga nagpapatuloy na gawain ang procurement ng mga gamit para sa halalan. Naghahanda rin ang pll body na humiling ng karagdagang pondo upang matugunan ang pangangailangan para sa dagdag na balota, presinto, guro, at iba pang kagamitan, bunsod ng halos 2.8 milyong bagong rehistradong botante.
Samantala, aminado ang komisyon na wala silang magagawa sa petsang itinakda ng batas para sa halalan, kahit tumapat ito sa Undas. Sa ngayon, pinag-aaralan pa kung paano maaapektuhan ng petsang ito ang voters turnout sa BSKE.
Sa iba pang balita, inihayag din ni Garcia na bukas sila sa kahit anong imbestigasyon na may kaugnayan sa katatapos lang na 2025 National and Local Elections. Ang pahayag na ito ay kasunod ng paghahain nina Atty Jimmy Bondoc at Atty Israelito Torreon ng petisyon na mag-iimbestiga sa umano’y iregularidad sa nagdaang Midterm elections.
Naniniwala si Garcia na ang katatapos lamang na halalan ay isa sa pinakamaayos at mabilis na eleksyon sa bansa na nag-resulta sa 82% na voters turnout.