-- Advertisements --

Pinababalangkas ng mga senador ng malinaw na panuntunan ang Comelec para sa mga survey firm sa paglalabas ng mga ito ng exit poll results sa 2022 elections.

Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reform, sinabi ni Sen. Francis Tolentino na ang maagang paglalabas ng exit poll results ay maaaring makaimpluwensya sa resulta ng halalan.

Kasunod ito ng posibleng pagpapatupad ng mas mahabang voting hours bilang pagsunod sa health and safety protocol kontra COVID-19 pandemic.

Ayon sa mambabatas, ang maagang paglalabas ng exit poll figures ay maaaring magdulot ng “bandwagon effect” at maaaring mas piliin ng mga botante ang mga nangunguna na sa post-election surveys, sa halip na mga talagang gusto nilang suportahan.

Sinabi naman ni Comelec law department Dir. Maria Casingal, na nakatakda pa lang silang bumuo ng panuntunan para sa schedule ng paglalabas ng exit poll results at ikokonsidera nila ang mga opinyon ng mga senador.