Naniniwala si House Deputy Speaker at Antipolo 1st district Rep. Ronaldo Puno na mas mabuting i-akyat sa House Committee on Ethics and Privileges ang isyu ng naging asta ni Leyte 4th district Rep. Richard Gomez na nag-aakusa ng “media spin” laban sa mga mamamahayag na kumukuha lamang sana ng kanyang panig ukol sa gumuhong flood control project sa Matag-ob, Leyte.
Una nang nagpost si Gomez sa kanyang social media page ng iba’t ibang screenshots ng mga mensahe ng mga taga-media na humihingi ng sagot niya, nalantad pa ang mga numero ng mga ito, at may caption na “gastos pa more!” na nagpapahiwatig na bayaran ang media.
Ayon kay Puno, hindi pwede ang ganoong asta ng kongresista. At sa halip, dapat ay nagpaliwanag na lamang si Gomez.
Dagdag ni Puno, kaya sila naging mambabatas dahil tingin ng publiko ay marunong silang magpaliwanag.
Diin pa ni Puno, hindi maganda na dadaanin sa pang-iinsulto ang isyu.
Sa isang statement, kinondena na ng National Union of Journalists of the Philippines o NUJP ang ginawa ni Gomez.