Pinaigting pa ng Department of Health (DOH) ang monitoring nito sa gitna ng pagsipa ng mga kaso ng hand, foot and mouth disease (HFMD).
Base sa datos ng ahensiya noong Agosto 16, pumalo na sa 39,893 ang bilang ng kaso ng sakit sa bansa.
Ito ay nadagdagan ng mahigit 2,000 sa loob lamang ng isang linggo mula sa mga kasong naitala noong Agosto 9.
Ayon sa DOH, nasa kalahati ng mga dinapuan ng sakit ay batang edad isa hanggang tatlong taong gulang.
Bilang tugon dito, nakikipag-ugnayan na ang kagawaran sa mga lokal na pamahalaan para mapaigting ang pagbabantay sa mga dinadapuan ng sakit sa rehiyon.
Maliban dito, nagsasagawa na rin ang ahensiya ng pagpupulong ng health learning institution ng DOH para sa mga hakbang na isasagawa para mapigilan at mapangasiwaan ang sakit sa mga eskwelahan.
Ayon sa DOH, ang HFMD ay isang nakakahawang sakit na maaaring makuha sa laway na may virus mula sa pag-ubo, bahing o pagsasalita.
Kayat muling ipinapayo ng DOH na sakaling makaramdam ng sintomas gaya ng lagnat, singaw sa bibig, pananakit ng lalamunan at mga butlig sa palad at talampakam, agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center.
Kapag mild naman, maaaring mag-isolate sa bahay ng pito hanggang sa 10 araw o depende sa abiso ng doctor at i-disinfect ang kagamitan at ugaliin ang dalawampung segundong paghuhugas ng kamay para maiwasan ang hawaan.