-- Advertisements --

Inaprubahan ng Iloilo Provincial Board ang resolusyon ni 5th District Provincial Board Member Rolex Suplico na humihiling sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 6 na ilabas ang detalyadong talaan ng mga flood control projects sa ikalimang distrito ng probinsya.

Partikular na binanggit sa resolusyon ang pagre-require kay Regional Director Joel Limpengco na magsumite ng mga dokumento ng proyekto tulad ng programs of work, detailed unit price analyses, bills of quantities, at mga pangalan at address ng mga contractor para sa lahat ng flood control projects na naipatupad sa nasabing distrito mula Hulyo 1, 2022.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Suplico, sinabi nitong personal niyang inikot ang tatlong mga site sa tatlong barangay sa bayan ng Ajuy kung saan ang kabuuang halaga ng mga proyekto ay nasa P855.6 milyon.

Ayon sa kanya, kabilang sa kanyang mga nadiskubre ay mga proyektong walang pundasyon at direktang inilagay lang sa lupa, mahina o malabnaw ang halo ng semento, at mga proyektong lampas na sa completion date ngunit patuloy pa ring ginagawa.

Binanggit din ni Suplico ang contractor na QM Builders mula Cebu, na ika-apat sa top 15 contractors na nakalista sa Malacañang na umano’y nakakuha ng isa sa bawat limang flood control projects sa buong bansa.

Kabilang sa 93 kontratang nakuha ng naturang contractor ay ang P95.3-milyong proyekto sa Barangay Mangorocoro, Ajuy, Iloilo.

Sa kanyang privilege speech, hinikayat ni Suplico ang kanyang kapwa mambabatas mula sa iba pang apat na distrito na magsagawa rin ng sariling imbestigasyon at dalhin ang resulta sa Sangguniang Panlalawigan.