-- Advertisements --

Inihayag ni Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso na kanyang hindi kukunsintihin ang mga indibidwal at grupong manggugulo sa lungsod.

Tutol aniya siya sa mga magkikilos protesta na pangugulo lamang ang dulot sa kanyang nasasakupan kaugnay sa isyu ng flood control projects.

Kanya na raw binigyang direktiba ang Manila Police District upang pigilan ang pagdami o paghantong sa pagiging hindi kontrolado ang mga militanteng grupo.

Ginawa ang naturang hakbang kasunod ng magsagawa ng protesta ang ilang militanteng grupo binubuo karamihan ng kabataan sa harap ng tanggapan ng Department of Public Works and Highways sa Maynila.

Kahapon kasi ay binato ng mga ito ang gusali ng kagawaran ng mga bulok na prutas at iba pa.

Kaya’t ani Mayor Isko Moreno Domagoso na kung nais ilabas ng mga grupo ang kanilang hinaing, malaya aniya naman nila itong gawin sa mga ‘freedom park’ ng lungsod.