-- Advertisements --

Inamin ng Commission on Audit (COA) na ang kakulangan ng tauhan ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi agad natukoy ang mga ghost at substandard flood control projects sa Bulacan.

Sa pagdinig ng Senado para sa 2026 budget ng komisyon, sinabi ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba na dalawang auditor lamang ang nakatalaga sa 1st District Engineering Office ng Bulacan, kung saan natukoy ang pinakamatinding anomalya. Nabawasan din umano ang kanilang posisyon dahil sa limitadong pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM).

Ayon sa komisyon, saklaw ng dalawang auditor ang 11 bayan, tatlong lungsod, at walong tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa lalawigan.

Bilang tugon dito, nagsagawa ang COA ng fraud audit sa mga proyekto ng DPWH, kung saan 21 ulat ang nailabas na, walo rito ay naisumite na sa Ombudsman at ilan ay ipinasa sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Ang unang batch ng mga ulat ang naging basehan ng suspensiyon ng ilang tauhan ng DPWH sa Bulacan. Kabilang sa mga nasangkot na opisyal ay sina dating engineer Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza, na kasalukuyang nakakulong sa Senado matapos ma-cite in contempt ng Blue Ribbon Committee.