NAGA CITY- Agad na sinimulan ang clearing operation ng Incident Management Team (IMT) sa lungsod ng Naga matapos ang halos apat na oras na pananalasa ni Bagyong Rolly.
Ito ay sa tulong ng buong pwersa ng naturang ahensiya sa pangunguna ni Lt.Col. Errol Garchitorena Jr. kasama si Naga City Mayor Nelson Legacion.
Ilang mga puno kasi ang natumba kung saan nabuwal din ang mahigit 80 years old na punong kahoy sa lungsod maging ang ilang mga poste ng kuryente dahil sa naturang bagyo.
Napag-alaman din na nasa 2,238 families o 8,356 na indibidual ang bilang ng mga nagsilikas sa 203 evacuation areas sa 27 barangays sa naturang lungsod.
Sa ngayon, sa Bicol region, nananatili na lamang sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 4 ang lalawigan ng Camarines Sur, Camarines Norte, Catanduanes, Albay maging ang Northern portion ng Sorsogon.
Habang nasa signal no. 3 naman ang natitirang bahagi ng Sorsogon maging ang Northern portion ng Masbate gayundin ang Ticao Island.
Samantala, sa kasalukuyan, tila kumalma na rin ang panahon sa bahagi ng lalawigan ng Camarines Sur.