Inirekomenda ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na magkarooon ng serye ng mga debate sa pagitan nila ni Sen. Rodante Marcoleta ukol sa West Philippine Sea.
Ito ay kasunod ng panukala ni Marcoleta na maging bukas ang naturang debate mula sa legal, historical, at geopolitical aspect ng West Philippine Sea, mas malawak kumpara sa panukala ni Carpio na ilimita na muna ang paksa sa kung mayroon bang WPS sa ilalim ng batas ng Pilipinas at kung ang mga maritime feature sa naturang karagatan ay saklaw ng teritoryo ng bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Justice Carpio, sinabi niyang, masyadong malawak ang saklaw ng pahayag ni Marcoleta.
Kung gugustuhin umano ng bagitong senador, maari nila itong isagawa ng ilang pagkakataon at sasaklawin ang lahat ng anggulo ukol sa pinag-aagawang karagatan.
Pero sa unang debate, dapat muna aniyang pag-usapan kung mayroon bang WPS sa ilalim ng batas ng bansa.
Nanindigan din ang dating mahistrado na kailangang may opisyal na ‘parameter’ ang debate at hindi lamang basta nakadepende sa kung anong gusto nilang pag-usapan.
Kung matapos ang unang debate at mapag-usapan ang legal foundation ng WPS, maaari aniyang pumili na si Marcoleta ng nais niyang paksa ukol sa WPS.















