Humiling ang kampo ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na tanggalin ang tatlong bagong talagang legal na kinatawan ng mga biktima ng war on drugs dahil sa umano’y conflict of interest.
Sa 11-pahinang mosyon na inihain noong Pebrero 11, hiniling ng abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman sa Pre-Trial Chamber I na bawiin ang pagkakatalaga kina Joel Butuyan, Gilbert Andres, at Nicolene Arcaina bilang Common Legal Representatives ng mga biktima, dahil sa umano’y tila may kinikilingan ang mga ito.
Ayon sa depensa, isa sa mga abogado ang umano’y bumatikos sa kanilang legal na estratehiya sa media at nagpahayag ng mga naunang pananaw tungkol sa inaakusa sa dating Pangulo. Binanggit din na si Arcaina ay dating staff lawyer ng CenterLaw Philippines, kung saan matagal nang konektado sina Butuyan at Andres, na ayon sa depensa ay maaaring magpakita ng pagpapatuloy ng propesyonal na ugnayan na hindi umano tugma sa integridad ng pagdinig.
Hiniling din ng kampo na suspendihin ang access ng mga kinatawan sa mga rekord ng kaso upang maiwasan ang posibleng paghawak ng mga materyales na maaaring makapagpapawalang-sala kay Duterte.
Iminungkahi ng depensa na ang Office of Public Counsel for Victims na lamang ang humawak sa interes ng mga biktima upang maiwasan ang pagkaantala sa pagdinig para sa confirmation of charges.
















