-- Advertisements --

Naging sentro rin sa pag-uusap nina AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana at Joint US Military Advisory Group (JUSMAG) chief Col. Stephen Ma ang isyu ng Chinese intrusion sa West Philippine Sea kung paano ito epektibong matutugunan sa ilalim ng Mutual Defense Treaty (MDT).

Julian felipe reef WPS china

Ayon kay AFP spokesperson Marine M/Gen. Edgard Arevalo, naging mabunga ang pag-uusap ng dalawang military officials.

Una rito, kahapon iniulat ni Gen. Sobejana na may 28 pang barko ng China ang nakakalat sa iba’t ibang lugar sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea, kabilang dito ang mga barko Chinese Coast Guard, Chinese maritime militia at mga mangingisda.

Ito ay mula sa mahigit 200 barko ng China na namataang nagkumpulan sa Julian Felipe reef noong nakaraang buwan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay AFP chief Gen. Cirilito Sobejana, sinabi nito na ang pag-uusap nila ni Col. Stephen Ma ay para ilatag ang plano.

Sa kasalukuyan, nagpapatrulya sa West Philippine Sea ang mga US warships ng Amerika na pinangungunahan ng USS Theodore Roosevelt.

Noong Biyernes, sinabi ng Department of Defense na bukas ang Pilipinas sa lahat ng “options” para mapalayas ang mga barko ng China sa EEZ ng Pilipinas.

Una na ring binalaan ng Estados Unidos ang China na ang anumang pag-atake sa mga barko o sasakyan ng Pilipinas sa West Philippine sea ay dahilan para saklolohan ng Amerika ang bansa sa ilalim ng Mutual Defense Treaty.