-- Advertisements --

Pinalawak ng Land Transportation Office (LTO) ang ”Palit Plaka Program” sa lahat ng Driver’s License Renewal Offices (DLROs) sa Metro Manila upang mapabilis ang pagpapalabas ng mga plaka at gawing mas accessible ito sa publiko.

Ayon kay LTO-NCR Director Roque Versoza III, makikinabang dito ang mga may-ari ng motorsiklo na wala pang opisyal na plaka sa kanilang Certificate of Registration o gumagamit pa ng MV File Number bilang pansamantalang plaka.

Dagdag ni Assistant Regional Director Atty. Dennis Barion, mas kaunti ang tao sa mga DLRO kumpara sa District at Extension Offices kaya mas maginhawa umano ito para sa publiko.

Maaari namang makakuha ng plaka ang mga may sasakyang may 7-character na plaka; gumagamit pa ng lumang 6-character green plate, at rehistrado noong 2017 pababa ngunit gumagamit pa rin ng MV File Number.

Bukod dito puwede ring mag-check ng availability ng plaka sa LTO-NCR website gamit ang Online Plate Inquiry Tool, o sa mismong LTO office kung saan unang nirehistro ang sasakyan.