Ikinalugod ni Senador JV Ejercito ang paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng Republic Act No. 12253, o ang Enhanced Fiscal Regime for Large-Scale Metallic Mining Act.
Ayon kay Ejercito, ang bagong batas ay nakatuon sa pagtataguyod ng balanse sa paglago ng ekonomiya, pangangalaga sa kalikasan, at kapakanan ng mamamayan.
Itinatakda nito ang modernisasyon at pagpapasimple ng sistema ng pagbubuwis sa pagmimina sa pamamagitan ng paglalagay ng lahat ng malalaking kompanya ng metallic mining sa ilalim ng iisang malinaw at makatarungang tax regime.
Inaasahang makakalikom ng karagdagang P6 bilyon kada taon mula sa reporma, na maaaring gamitin upang pondohan ang mga proyektong may malaking epekto tulad ng mga imprastruktura at Universal Health Care.
Nakasaad din sa batas ang mas mabilis na paglalabas ng tamang bahagi ng buwis at royalty mula sa pagmimina para sa mga local government unit (LGU).
Isa rin sa mga mungkahing probisyon, bagaman hindi naisama sa pinal na bersyon, ay ang pagpapataw ng limang taong moratoryo sa pag-export ng mga mineral.
Layunin sana nito na ang mga yamang-mineral ay iproseso na sa loob ng bansa upang makalikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Tiniyak ni Ejercito na muli niyang isusulong ang naturang probisyon sa susunod na Kongreso.