-- Advertisements --

Ipasa-subpoena ni Senador JV Ejercito ang mga district engineer na sangkot sa maanomalyang flood control projects sakaling isnabin ng mga ito ang nagpapatuloy na imbestigasyon ng Senado.

Ayon kay Ejercito, hihilingin niya kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senador Rodante Marcoleta na ipatawag sa susunod na pagdinig ng komite ang mga district engineer na sangkot sa mga ghost projects, lalo na ang district office sa Bulacan na aniya’y kilala sa matinding korapsyon.

Dagdag pa niya, kung hindi pa rin sisipot ang mga district engineers, magmomosyon siya upang obligahin silang dumalo.

Samantala, ipinauubaya naman ni Senador Raffy Tulfo kay Marcoleta ang pagpapatawag kay DPWH-Batangas 1st Engineering District Office District Engineer Abelardo Calalo, na umano’y nagtangkang manuhol kay Batangas Rep. Leandro Leviste ng halagang P360 milyon kapalit ng hindi pagtuloy ng imbestigasyon sa flood control projects.

Naniniwala si Tulfo na malawak ang sindikato ng iregularidad sa flood control projects. Bagama’t hindi niya nilalahat, posible umanong marami sa mga district engineer ang nagsisilbing “bagmen” ng mga contractor.

Una nang sinabi ni Senador Ping Lacson na posibleng “Bagman” o “Legman” ng mga malalaking kontratista ang mga District Engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ito ang binigyang-diin ni Senador Lacson matapos mabunyag ang tangkang panunuhol kay Leviste. 

Giit ng senador, hindi normal na mismong district engineer ang mag-aalok ng suhol at sa halip ay karaniwang nagmumula ito sa kontratista.

Kaya mahalaga, aniya, na magkaroon ng malalimang imbestigasyon upang matukoy kung ano ang nasa likod ng tangkang panunuhol kay Leviste.