-- Advertisements --

Kailangan ng reboot.

Ito ang naging pahayag ni Senador JV Ejercito matapos magbitiw si Congressman Martin Romualdez bilang House Speaker.

Ayon kay Ejercito, nauna nang nagkaroon ng palitan ng liderato sa Senado at panahon na rin aniyang mabago ang pamumuno sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Samantala, malugod namang tinanggap ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang pagkakahalal kay Isabela 6th District Rep. Faustino “Bojie” Dy III bilang bagong Speaker ng Kamara.

Ayon kay Escudero, matagal na niyang kakilala si Dy at tiwala siyang magagamit nito ang karanasan at matatag na pamumuno upang gabayan ang Kamara sa gitna ng mga kritikal na isyung kinakaharap ng bansa.

Gayunpaman, iginiit ng senador na hindi dapat maging dahilan ang transition ng pamumuno upang malimutan ang mga isyu hinggil sa mga nakaraang budget at anomalya sa mga proyektong pang-imprastruktura.

Nagpaabot din ng pagbati at suporta si Escudero sa bagong Speaker at umaasa siyang magagampanan nito ang tungkulin nang may integridad at higit na pagtugon sa pangangailangan ng taumbayan.

Ngayong nagkaroon na ng bagong House Speaker, umaasa si Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian na manatili si Cong. Mikaela Suansing bilang pinuno ng House Appropriations Committee.

Paliwanag ni Gatchalian, nagkaroon na sila ng koordinasyon ni Suansing kaugnay sa budget bill.

Sinabi rin ng senador na suportado ni Suansing ang layunin na gawing bukas at malinaw ang budget deliberations, at patunay dito ang kanilang pag-imbita sa mga civil society organizations (CSO) at non-government organizations (NGO) para makibahagi sa mga pagdinig.

Gayunman, naniniwala si Gatchalian na kung sakaling mapalitan si Suansing bilang chair ng Appropriations Committee, hindi naman maaantala ang pagpasa ng 2026 National Budget.

Ayon sa kanya, basta’t manatili ang kasalukuyang mga miyembro ng komite, tuloy-tuloy pa rin ang pagtalakay sa panukalang budget.

Nagbitiw ngayong Miyerkules si Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin Romualdez bilang House Speaker.

Ayon sa kanya, ginawa niya ito upang bigyang-daan ang ganap na pananagutan at pagiging bukas sa publiko kaugnay ng mga kontrobersiyang bumabalot sa mga proyektong pang-imprastruktura.