-- Advertisements --

Iminungkahi ni Senador JV Ejercito na mag-leave of absence muna si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa gitna ng ikinakasang imbestigasyon ukol sa maanomalyang flood control projects

Iginiit ng senador na para hindi maka-impluwensya ang kalihim sa pagsisiyasat, mas mainam na lumiban muna ito pansamantala.

Gayunpaman, aminado ang senador na magiging hamon ang pagtatalaga ng Officer-in-Charge (OIC) dahil maging ilang undersecretaries at assistant secretaries ng DPWH ay may kinakaharap ding isyu.

Nilinaw naman niya na hindi pa panahon para magbitiw sa puwesto ang kalihim habang wala pang matibay na ebidensyang direktang nagdudugtong kay Bonoan sa mga alegasyon.

Ngunit sakaling mapatunayan na may kasalanan o pagkukulang si Bonoan kaugnay sa mga ghost flood control projects, dapat daw na mag-resign na ang kalihim.

Nang matanong naman ang senador kung dapat bang magkaroon ng overhaul sa loob ng DPWH, aniya, dapat regular na ma-reshuffle ang mga district engineers upang mawala ang kanilang familiarization sa mga politiko o opisyal ng gobyerno.

Naniniwala si Ejercito na malaking hakbang ito upang masupil ang iregularidad at katiwalian.

Tiyak naman si Ejercito na walang kontratista sa mga kasamahan niyang senador. Ngunit aniya, para mas makasiguro, mas mainam na tingnan ang lahat at wala dapat itago.