-- Advertisements --

Dumipensa ang Chinese Embassy na nakabase sa Maynila sa pambobomba ng water cannon ng China Coast Guard (CCG) sa barko ng Pilipinas na nangyari noong araw ng Miyerkules, Mayo 21.

Katwiran ng embahada na pumasok umano ang mga barko ng Pilipinas sa adjacent waters sa palibot ng bahura ng China nang walang awtorisasyon.

Bunsod nito, gumawa umano ang panig ng China ng kaukulang law enforcement measures bilang tugon.

Binatikos din nito ang pagkondena ng mga bansa sa insidente at hinimok ang mga embahada ng ibang bansa na iberipika muna ang katotohanan bago umano magkomento sa social media.

Subalit base sa mga inilabas na pahayag ng mga Ambassador ng ibang mga bansa na nakabase sa Maynila, naging basehan ng mga ito ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 arbitral ruling na nagpawalang bisa sa malawakang pag-aangkin ng China sa pinagtatalunang karagatan.

Kabilang na dito ang West Philippine Sea na nakakasaklaw sa Pag-asa island at nakapaligid na Cays, kabilang ang Sandy Cay kung saan naganap ang pinakabagong panghaharass ng China laban sa barko ng PH.

Samantala, ayon sa National Maritime Council (NMC), nakatakdang gumawa ng kaukulang diplomatic actions ang gobyerno ng Pilipinas, gayundin ang multilateral cooperation at maritime-capacity building para matiyak ang kaligtasan at pagiging epektibo ng maritime operations ng Pilipinas.