Kinumpirma ng apo ni Madam Auring na sumakabilang-buhay na ang tinaguriang celebrity fortune teller.

Base sa Facebook post ni Daryl Simon Pecson, magkahalong lungkot ang saya at nararamdaman nito sa pagpanaw ng kanyang lola sa edad na 80.

“Sad kasi I will never see you again, mga wisdom words mo, korni jokes, happy bondings, and pagkurot sa aking pisngi hanggang mamula. Happy ako kasi you have done everything you could to make us feel loved the way you know how, your struggles are over. You fought your battles silently. Magkikita na kayo ni Mama sa kabilang buhay,” bahagi ng post nito.

Wala pa namang nabanggit na dahilan kung ano ang ikinamatay ni Madam Auring o Aurea S. Erfelo sa tunay na buhay.

Pero buwan ng Marso ay na-confine ang nasabing aktres as ospital at doon na rin nagdiwang ng birthday.

Kabilang sa mga pinaniniwalaang “greatest predictions” nito ay ang legendary victory ng American boxer na si Muhammad Ali sa 1975 “Thrilla in Manila” fight.

Pinag-usapan din ang pagkakahula raw nito sa panalo ni Amparo Munoz sa Miss Universe noong 1974.