-- Advertisements --

Inilabas na ng Commission on Elections (COMELEC) ang ‘Entry of Judgement’ at ‘Certificate of Finality’ na opisyal ng nagpapaproklama kay Bienvinido “Benny” Abante sa City Board of Canvassers (CBOC) bilang kongresista ng ika-6 na distrito ng Maynila.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, pagpapatibay ito ng poll body sa naging desisyon nila na noong Hunyo 30 na bawiin ang proklamasyon ni Joey Chua Uy dahil sa pagkansela ng kanyang Certificate of Candidacy (CoC) matapos mapatunayan na hindi siya natural-born citizen. Kaya naman, pinapaupo na ng poll body si Abante bilang nanalong kongresista ng ika-6 na distrito ng Maynila.

Bagaman may order na ‘for immediate proclamation’ sa dokumento na inilabas ng komisyon, paglilinaw ni Garcia na nasa City Board of Canvassers (CBOC) pa rin ang desisyon kung sila ba ay magcoconvene ngayong araw para i-proklama si Abante. Aniya, ang City Board of Canvassers (CBOC), na binubuo ng City Election Officer ng District, City Prosecutor ng Manila at City Superintendent ng Department of Education (DepEd), ay independent body mula sa COMELEC kaya hinahayaan nila itong kumilos sa ganitong sitwasyon.