Naihatid na ng Department of Social Welfare and Development ang kinakailangang tulong para sa mga residenteng naapektuhan ng flashflood sa Barangay Pasonanca, sa Zamboanga City.
Nabatid na nangyari ang insidente nitong Sabado lamang ng nakalipas na linggo.
Ayon sa ahensya, kabilang sa kanilang naihatid na tulong ay 571 kahon ng family food packs para sa mga displaced families dulot ng pagbaha.
Batay sa datos, aabot sa 739 pamilya o katumbas ng 2,374 katao ang naitalang apektado ng pagbaha sa naturang lugar.
Sa ngayon ay aabot sa 9 na evacuation centers ang pansamantalang tinutuluyan ng mga pamilyang lumikas mula sa kani-kanilang mga tahanan.
Matatagpuan ito sa Barangay ng Tumaga, Pasonanca, Boalan, Tugbungan, at Lunzuran.
Sa kabila nito ay tiniyak ng ahensya na sapat ang kanilang stock ng mga relief item at nakahanda itong i distribute sakaling kailanganin.