-- Advertisements --

Mangiyak-ngiyak sa tuwa ang isang Cebuano matapos makapasok sa Rank 3 sa inilabas na resulta ng 2025 Licensure Examination for Electronics Technician.

Si Joseph Niel Colo, 23-anyos na nagtapos ng Cum Laude sa University of San Carlos ang siyang nakakuha sa rank 3 na may 89% rating.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Colo, inihayag nito na hanggang sa ngayong ay hindi pa rin ito makapaniwala sa himalang kanyang naranasan at sa biyayang natanggap mula sa Poong Maykapal.

Sinabi pa nito na sa panahon umano ng naturang board exam ay iba umano ang kanyang pakiramdam at hindi mapakali kung kaya’t hawak-hawak nito ang rosaryo habang sinasagutan ang bawat tanong sa pagsusulit.

Dagdag pa ng binata na sa bawat simula hanggang sa matapos ang tanong ay siya ring pag-alay ng dasal na maging tama at tukma ang kanyang mga sagot.

Inamin pa nito na may mga tanong siyang hindi alam ang sagot kung kaya’t kanya na lamang isinuko ang lahat sa Diyos at aniyay hindi siya binigo.

Binigyang diin pa niya na bagama’t puspusan pa rin ang kanyang pagrereview ay hindi pa rin aniya nawala ang pangamba at takot kung kaya’t humingi na ito ng tulong sa Poong Maykapal na malagpasan at mahigitan pa ang kanyang karunungan.

May mga pagkakataon din aniya na hindi ito sigurado sa landas na tinatahak ngunit upang maibsan ang bawat pag-alala ay binisita nito ang mga simbahan, nag-alay ng rosaryo at ang paghingi ng tulong kay St. Jude na mabigyang linaw ang kaniyang pag-iisip

Inialay naman nito ang kanyang tagumpay sa kanyang pamilya na walang sawang gumabay, sumuporta at taos pusong nagmamahal sa kaniya.

Payo naman nito sa kapwa nitong engineer na hanggang sa ngayong ay nangangamba at natatakot na buksan lamang ang isip at puso, higpitan pa ang kapit sa pananalig sa Diyos dahil aniya walang imposible sa taong may pangarap.