Umapela ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa government officials na panindigan ang integridad ng imbestigasyon sa flood control scandal.
Giit ng grupo, ang Independent Commission for Infrastructure ay nabuo para ibalik ang tiwala ng publiko. Dapat ito ay may sapat na kapangyarihan para malayang imbestigahan ang nabunyag na iskandalo nang walang anumang political interference mula sa alinmang sangay ng gobiyerno.
Inisa-isa ng CBCP ang mandato ng ICI, tulad ng pagiging bukas sa mga proceeding, findings, at rekomendasyon; access sa lahat ng mga dokumento at wirness, public disclosure sa budget insertion at project allocation; at protection para sa mga whistleblower nito, kasama ang mga technical personnel na lalabas at magbubunyag ng mga impormasyon.
Tinutulan din ng grupo ang anumang pagtatangkang baguhin o isabutahe ang gumugulong na proseso ng imbestigasyon sa pamamagitan ng political manuever, backroom deals, leadership takeover, at selective justice.
Giit ng CBCP, hinding-hindi maghihilom ang isang bansa kung ito ay binabalot ng korapsyon at self-interest.
Kasabay nito ay nanawagan ang CBCP na dapat ay walang mangyaring whitewashing at sa halip ay magkaroon ng pananagutan sa lahat.
Hinimok din ng CBCP ang Kongreso at malakaniyang na patunayang pinagsisilbihan nila ang ikabubuti ng mas nakararami sa halip na pansariling kapangyarihan.
Pagbibigay-diin ng grupo, hayaan lamang ang ICI na gawin ang tungkulin nito nang bukas, walang takot, at walang kinikilingan.